top of page

Sa Isang Upos ng Tabako

  • Writer: Marge Nicole Baldo
    Marge Nicole Baldo
  • Dec 23, 2024
  • 3 min read

ree

Kasangga ng isang tahimik na gabi at malamig na simoy ng hangin ang panggagalaiti ni Carlo dahil sa hindi na naman nila pagkakaunawaan ng kaniyang ina.


“Nakakawalang-gana kayo!” 


Marahas na isinara ni Carlo ang pinto ng kuwarto ng kaniyang nanay at tumakbo papalayo, walang pakialam kung masira ito dahil sa pagbagsak.


“Ano na ba ang gagawin ko sa‘yo? Anak ko… hindi ka naman ganyan dati,” natutulirong sambit ng ina habang hinahanap ang nag-iisang piraso ng sigarilyo sa kaniyang silid.


Sariwa pa sa alaala niya ang pagiging maaalalahanin at masunurin ni Carlo sa murang edad. Walang mintis nitong iniiwasan ang mga bagay na tingin niyang malayo sa kabutihan at magdudulot ng lamat sa relasyon niya sa kaniyang pamilya.


“Noon, anuman ang sabihin ko ay ginagawa ni Carlo nang walang pag-aalangan. Matagal ko na siyang ginagabayan sa landas na alam kong ikabubuti niya… Ngunit nagkamali ba ako?” nakatulalang dagdag pa niya.


Sa may kalayuan, agresibong pinunasan ni Carlo ang mga luhang lumalandas sa kanyang mata habang patungo sa Ilalim ng puno sa likod ng kanilang bahay. 


Madalas niya itong dinarayo tuwing nag-aaway sila ng kaniyang ina.


“Oh, gabi na. Mukhang napapadalas ka nang tumabay rito sa aking puno, ah?” sambit ng isang nilalang na may malalim na boses at umuusok ang bibig na tila komportable pang nakaupo sa isa sa mga sanga.


“Ayaw ko na sa bahay. Pati ba naman ang paglalaro ko sa bilyaran at kakarampot na pagtikim sa serbesa, bibigyan pa niya ng pansin? Hindi ba nila sinubukan kahit isang beses ang mga ‘yon noon?” singhal ni Carlo.


“Isa pa, bakit ba tila ayaw niyang maniwala na biro lang naming magkakaibigan ang pagtago ng baong pera ni Neri? Parang hindi naman siya dumaan sa pagkabata!” naiiritang dagdag niya.


Paulit-ulit ang pag-aamok ni Carlo sa kapreng tila hindi na nagugulat sa kaniyang mga naririnig.


“Ano bang nais mong mangyari?” tanong ng nilalang.

“Bakit gano’n? Lahat ng sabihin at i-utos nila ay sinusunod ko naman. Ngayon ko na nga lamang ginagawa ang mga gusto ko, bawal pa?”


Nanahimik saglit ang kapaligiran bago muling magsalita ang kapre. “May tanong ako… sa tingin mo ba ay sapat ang isang tabo ng tubig upang mapalago nang ganito kalaki ang puno ko?”

“Malamang hindi!” kunot-noong sagot ni Carlo.


“Sa totoo lang, mapaglaro ang ating isipan.. Hindi kayang punan ng isang tabo ng tubig ang pangangailangan ng isang puno, ngunit hindi rin makabubuti ang labis-labis dito. ” 


Nagtatakang tanong ni Carlo, “Ano naman ang ibig mo’ng sabihin?”


“Alam mo, hindi ka pa nabubuhay ay nandito na akohumihithit ng tabako habang nagmamasid at naninitsit sa mga estrangherong napapadpad dito.”


“Malago ang mga dahon, matigas at matibay ang mga sanga. Madalas ay dinarayo pa ako ng mga alitaptap habang pinagsasaluhan ang mga bungang mangga. Ngunit tignan mo… kahit gaano katagal ko itong inalagaan ay ganito pa rin ang kinahinatnan,” tugon ng nilalang.


“Naglalagas, tuyo, at nauubos na ng mga insekto ang mga dahon. Marurupok at malalambot na mga sanga. Malapit na nga akong matumba at maglaho dahil sa nabubulok na mga ugat nito,” dagdag nito.


Sa ilalim ng madilim na kalangitan, sinalubong ni Carlo ang nagniningning na pulang mga mata ng kapre. Isang liwanag na nagpapahiwatig ng malalim na pagtanggap sa isang mapait na katotohanan.


Napatungo na lamang si Carlo habang pilit na inuunawa ang winiwika ng nilalang.


“Tunay nga na sa kahit anong gabay at alaga, hindi pa rin tiyak ang aasahang kalalabasan nito,” huling sambit ng kapre habang lalong lumalalim ang paghithit.


Sa isang upos ng tabako at tahimik na gabi, napagtanto ng isang ina at isang kapre na wala silang magawa sa pagkabiyak ng kanilang mga puso.


Layout by: Joanah Plopenio

Comments


  • Facebook
  • Instagram
  • TikTok

© 2024 Malikmata PUP iCommunicate Volume 28. All rights reserved.

bottom of page