top of page

Nang Lamunin ni Bakunawa ang Báybay

  • Writer: IJ Rose Sarabia
    IJ Rose Sarabia
  • Mar 20
  • 2 min read

ree

Pumasok kami sa kuweba nang nanginginig pa ang mga paa.

Kinulong ng nakabibinging katahimikan ang aming mga tainga.

Sa luma’t mabatik na kuta’y may ukit na hindi mawari–

Mga taong mga tumatakbo papalayo sa pampang…

Langit na naghahasik ng malalaking butil ng ulan…

At may mistulang dragong pa-igpaw sa bukana’ng dagat.


“Tahimik lamang ang aming bayan.”

Lumang mga salitang paulit-ulit kong naririnig sa mga tao rito sa Cadiz.

Lahat ng yamang-dagat, kahit na yamang-likas ay mayroon kami–

Bago dumating ang mga Reyes.


Pangako nila’y maraming trabaho at masaganang buhay,

Kaya hindi alintana ng mga residente ang dalawampung oras sa isang araw na pag-ugod.

Buwan at taon ang lumipas, ngunit walang pagtaas ng sahuran.

Kahit na bumale, hindi ka pagbibigyan.


Langhap sa bahay ang masangsang na usok at amoy mula sa pabrika,

Daloy sa tubig-dagat ang langis na danak ng kanilang mga makinarya,

Salat sa huli ang mga mangingisda,

At naglipana’ng mga sakit na hindi alam saan nagmula.


Ngunit hindi pa pala ito ang kasukdulan ng lahat naming paghihirap

Nagsimula ang mga agwaheng nagpapabaha at nagpapaguho ng lupa,

Ang tubig-dagat na dati’y ligtas inumi’y kumikitil na ng buhay,

At ang lupang tinatatagan ang aming mga tahana’y yumayanig.


Isang araw sa buwan ng Disyembre’y bumukal ang langit ng kadiliman.

Kasabay ng ngitngit ng kulog ay ang kasilaw-silaw na kidlat.

Sa hubad naming mga mata’y nadatnan kami ng isang malaking dragong

Umilanglang sa ibabaw ng malawak na aplaya.


“Ang tagapangalaga ng dagat!”

Hiyaw ng isa sa amin na may halong sindak.

Kumintal ng ilang segundo ang anyo ng dragon,

At sa isang iglap, ito’y bumulusok pailalim, pabalik sa kaniyang teritoryo.


Habang punô pa ng gulantang ang mga tao’y may boses na naghanap ng taingang didinig–

“Ibalik ninyo sa dati nitong kalagayan ang dagat, dahil kung hindi’y aahon muli ang Bakunawa Nang walang tatangiing humihingang nilalang.”

Sa hilakbot ng mga residente ay kaniya-kaniya silang bumuo ng mga umpok.


Sa pagsikat ng araw ay nagising ako sa kanilang mga ugong.

Sila’y lumigid sa labas ng pabrika upang ito’y ipasara.

Wala ni isa sa kanila’y nagtigis ng pawis upang magtrabaho.

Mano-mano nilang nilinis ang dagat mula sa pampang hanggang sa lugar-ligiran nito.

Mahabang panahon man ang inilipas, nanumbalik ang bayan sa mapanligha nitong lagay–

Malinis, mayabong, at tahimik.

Taglay nitong muli ang lahat–

Maging ang mga taong-tagapangalaga na matagal nitong pinakawala.


“Paanong naiintindihan mo ang mga guhit?”

Dahil saksi ang aking mga mata sa hilatsa ni Bakunawa,

Narinig ng aking mga tainga ang panaghoy ng tagapangalaga,

At daing ng aking boses ang kaniyang paghihiganti at pangungulila.



Layout by: Timothy Andrei Milambiling

Comments


  • Facebook
  • Instagram
  • TikTok

© 2024 Malikmata PUP iCommunicate Volume 28. All rights reserved.

bottom of page