top of page

Sa Daigdig Kung Saan Tahimik

  • Writer: Patricia Kate Azicate
    Patricia Kate Azicate
  • Dec 18, 2024
  • 3 min read
ree

Limang kilometro. Tahimik. Mahaba-habang takbuhan na ito mula sa aming bahay.


“Nandito pa rin ang inukit natin,” sabi ni Daya habang sinasalat ang aming binakat na pangalan sa puno ng balitbitan.

Maaliwalas pa rin ang kagubatang minsa’y aming ginawang pasyalan. Ang ibang parte nito ay halos mabura na sa nipis, ngunit nananatiling kumakapit sa mala-kapeng lupa.

Hindi ako makapaniwala. Kaya ko kayang harapin ang bukas?

Ikinulong ni Daya ang bulaklak ng balitbitan sa kaniyang palad at iniihip sa akin. Sumabay sa hangin ang pagbagsak ng mga talulot nito.


Sa talahiban, binisita naming muli ang p’westo kung saan kami unang nag-usap.

“Ciana, ano kayang sasabihin ni tatay kapag nalaman niyang ikakasal na tayo kinabukasan?” may halong pangambang tanong niya.

“Kung malaman man niya, hindi ‘yon ang mahalaga para sa‘kin,” sagot ko habang hinahaplos ang umaalon niyang buhok.

“Iniisip ko lamang ang kaniyang huling sinabi bago ako tumakas palayo.” dagdag ko. 

Alam kong malinaw pa kay Daya ang mga bantang paghihiwalayin kami at susunugin siyang buhay dahil hindi niya mapapangasawa ang tikbalang na ipinipilit ng kaniyang ama. At nauwi siya sa akin—isang anggitay. 

Isang babae.

“Ako nang bahala sa‘tin bukas, dadalo naman ang ating mga kaibigan. Ngayon, nais kong bumalik sa ating tagpuan,” sabi ko.


Ito na ang sinasabi kong bukas, at panigurado, ang hinaharap, sabi ko sa isip habang nakatitig sa gintong alahas na nakasabit sa leeg ni Daya.


“Mahal, Ciana, naghihintay na sila.”

Nang makarating sa tagong parte ng puso ng kakahuyan sa Sitio Santiago rito sa Batangas, sinalubong ng dalawang duwende si Daya dala ang kurdon at belo. Ako naman ay naghihintay sa unahan, katabi ang palakang pari.

Nagsimula na ang misa.

Dahan-dahang lumakad ang mga bisita. Bitbit ng tiyanak ang singsing, dala ng Kapre ang kandila, isang daga, alupihan, at sampung langgam.


Ngunit bakit hindi sabay ang pag-araw at ulan?


“Narito tayo ngayon upang ipagdiwang ang pag-iisang dibdib ni Daya at Ciana,” saad ng pari.

Halos wala na akong marinig sa sinasabi ng palaka. Ang alam ko lang, ito na ang umpisa ng higit sa habambuhay. Isinabit na sa amin ang kurdon at belo at isinuot ang makinang na singsing sa isa’t isa.


Ang mahal kong Daya. May nagbabadyang luha sa kanyang mga mata, ganoon din marahil sa akin. 

Ngunit bago pa man kami makapagsabi ng aming mga panata, may matinding kirot akong naramdaman sa aking hita. Nagsimulang umingay ang kaninang tahimik na seremonya. 

Nagsitakbuhan ang mga duwende at naipit ang mga langgam nang sugurin kami ng sandosenang mortal na may dalang pana, sulo, at itak.

“Dalawang babaeng ikinakasal? Patayin sila! Kalaswaan!” Sigaw ng mga ito.

Nagtago ang daga, alupihan, at palaka. Sinalag ko ang aking katawan upang ‘di madaplisan si Daya nang kami ay asintahin ng pana, ngunit hindi patas ang tadhana. Ninakaw nila ang alahas ng aking minamahal at halos maubos ang aking dugo mula sa malalim na palaso na aking natamo nang kami’y makatakas.


Tumakbo kami at sinuong ang masukal na kagubatan. Nang makarating sa aming tahanan, wala akong sandaling sinayang. 


“Dito na lamang natin ituloy ang kasal sa bahay,” sabi ko nang malumanay. “Daya, bilang iyong kabiyak, palalayain kita sa paningin nilang ang pagmamahal ko ay malaking kamalian. Wala ka ni anumang bahid ng pagkasuklam. Ikaw at ang pag-ibig ko ay ‘di mapaparam.”


Sa wakas, tumama ang ambon sa sinag ng araw. Nagkaroon ng bahaghari sa gilid ng aming bahay. Gusto ko pang makausap ang aking pinakamamahal, ngunit hindi na siya muling umimik pa.


Maingat akong inihiga ni Daya sa mala-kapeng lupa. Ramdam ko ang init ng kaniyang hininga nang magsilaglagan ang talulot ng balitbitan. Hindi ako makapaniwala. Hindi ito ang kinabukasang aking inaasahan.


Tinatabunan niya ang hukay kung saan nakalibing ang aking malamig na bangkay.


 Wala na akong malay, puro hiwa at bakat ng pana ang aking katawan.


“Ciana, aking asawa,” sabi niya habang tinatago ang hikbi. “Ipinapangako kong hindi mo mararanasang pagkaitan ng daigdig. Payapa kang mamamahinga sa aking dibdib.”


“Ikaw ang tahimik.”



Layout by: Joanah Plopenio

Comments


  • Facebook
  • Instagram
  • TikTok

© 2024 Malikmata PUP iCommunicate Volume 28. All rights reserved.

bottom of page