Alulong ng Abuso: Sino nga ba ang malas?
- Marge Nicole Baldo

- Mar 25
- 2 min read

Ang paniniwala ng karamihan, may bitbit na kamalasan ang mga itim na pusa kaya malimit silang itaboy o iwasan. At minsan, humahantong sa pananakit ang labis na pagkatakot madapuan ng kamalasan.
Sa harapang pang-aabuso sa mga ligaw at mga nakatakas na alagang hayop, hindi na bagong usapin kung anu-anong klaseng maltrato ang natatanggap ng mga ito sa labas at loob ng tahanan.
Ilan sa mga ito ang asong si Panda na aksidenteng nakawala sa kanilang tahanan sa Quezon City. Nang mahanap, ayon sa Facebook post ng fur parent nito, wala na itong buhay at nakatapon ang katawan sa isang irigasyon.
Napakapait ng ganitong karanasan lalo’t pamilya na ang turing ng ilan sa kanilang mga alagang hayop. Ngunit ang mas nasasaktan ay ang mga hayop na walang kalaban-laban dahil sa imoralidad ng mga taong walang pagdadalawang-isip na manakit at pumatay.
Higit pa sa kapabayaan
Nitong nakaraang Hulyo, nagkaisa ang mga animal welfare group gaya ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) at publiko sa panawagang huwag iwan ang mga alagang hayop sa gitna ng masamang panahon dulot ng Bagyong Carina.
Kasunod nito ang pagpanaw ng mga aso’t pusa na nalunod sa loob ng kanilang kulungan sa San Juan City habang rumaragasa ang bagyo.
Sa kabila ito ng pagkakatatag ng Republic Act No. 8485 o ang “Animal Welfare Act of 1998” kung saan binibigyang halaga ang kaligtasan at kalusugan ng mga hayop, maging “object of trade” o binebenta man ito o household pets.
Umugong din ang usapin ng pagtanggap sa euthanasia o mercy-killing para sa mga alagang hayop matapos mahuli sa Boracay ang walong asong gala na ipinagbabawal sa isla.
Ngunit para sa PAWS, isa itong makataong paraan upang wakasan ang hirap ng mga alagang hayop lalo na sa mga may hindi malulunasang sakit o iba pang pisikal na kahirapan. Kinakailangan ding magbawas ng mga hayop na nasa pangangalaga ng mga animal pound upang matugunan ang iba pang mga hayop na may malaking banta sa komunidad katulad ng rabies.
Umaabot sa 200 aso ang sumasailalim sa euthanasia kada linggo sa mga city pound. Subalit hindi lahat ng mercy-killing ay ginagawa nang maayos o ng mga sertipikadong beterinaryo. Nagbabala ang PAWS sa mga gumagawa pa rin ng “tambutso gassing” o ang pagbuga ng usok mula sa isang sasakyan sa mga aso hanggang hindi na ito makahinga. Ito ay ilegal at hindi makataong pagpatay sa mga hayop.
Nakababahalang isipin na mismong sa kamay ng mga nangangalaga pa ito nangyari, na mayroong malaking tungkulin upang masiguro ang kanilang kapakanan.
Palagi pa ring mananatili ang pananagutan sa mga taong hindi makatao sa pagtrato sa mga hayop. Dahil mas nakapagtataka na sila ang mas may kakayahan at kapasidad na magdulot ng kabutihan sa mga ito, pero bakit tila mas masahol pa ang kanilang asal kaysa sa mga hayop na itinuring na malas at sinasabing agresibo?
Layout by: Timothy Andrei Milambiling




Comments